Papasimula palang ang camping |
Sa ika-11 ng Enero ngayong taon, nagkaroon kami ng Survival Camp na kabilang na sa mga aktibidad ng CAT. Sa mga nakaraang linggo, bago naganap ito, nagdadalawang-isip pa ako kung ako ba ay sasali. Unang-una, hindi ako mahilig at sanay sa mga ganitong aktibidad. Pangalawa, Natatakot akong lumabas sa aking comfort zone at alam ko na sa camping naming ito, kinakailangan kong gawin 'yon. Ngunit, dahil alam ko rin na marami akong matutunan at mararanasan at na ito ang una at huling pagkakataon na makakasama ko ang mga kaklase at kaibigan ko sa camping, sumali ako. Nang matapos ang camping, nagpasalamat ako sa'king sarili na pinili kong sumali dahil natanto ko kung gaano ka saya at mahirap limutan ang camping na 'yon.
ang pinakamahirap limutang laro |
Hanggang ngayon, hindi ko makalimutan ang aking naramdam noong ako'y dumating sa paaralan namin sa unang araw ng aming camping. Ako ay kinakabahan at medyo natutuwa rin. Hindi ko mapigilang isipin ang mga posibleng mangyari. Naalala ko rin na sa bawat laro o challenge bago man ito magsimula, ako ay palaging nangangamba ngunit sa tuwing natatapos ito, ako ay puno ng tuwa. Dahil sa mga hamon na sinubok namin, natutunan ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tiwala sa sarili at ng pagsubok ng mga bagong bagay sa buhay. Sa araw na iyon, marami rin kaming nagawang mga ala - ala na sigurado akong papahalagahan at babalikan naming lahat. Kung may magtatanong sa'kin kung ano ang pinaka masayang nangyari sa araw na 'yon, mahihirapan ako sa pagsagot nito dahil para sa'kin, ang buong araw ay masaya. Kahit man kami ay pagod, gutom at basa sa ulan habang naglalaro, para sa'kin ito ay masaya parin dahil hindi ko ito ginawa mag-isa kundi kasama ang mga kaibigan at kaklase ko. Dahil sa mga masasayang ala-ala na binuo namin, napagtanto ko na hindi ko sana mararanasan lahat ng ito kung hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na sumali.
Best Team!!! <3 |
Ang dalawang araw ng aming Survival Camp ay dalawa sa mga pinakamasayang araw ng aking buhay (as corny as it sounds!). Mas nadagdagan pa ang aking tuwa sa ikalawang araw dahil sa aming Awarding, nakatanggap ako ng award bilang Most Disciplined habang ang aming grupo ay nagkaroon ng award bilang Best Team ng CAT Survival Camp 2020. Hindi ko inasahan ang mga awards na ito ngunit ako ay masaya na nabayaran ng ganito ang aming mga nagawa at napagtagumpayan sa camp.
No comments:
Post a Comment